PBBM, TINALAKAY ANG MGA INISYATIBA SA PAGPAPAUNLAD NG REGION IX

Nakipagpulong si Pangulong Marcos sa RDC IX sa Zamboanga del Sur upang pabilisin at palakasin ang mga pangunahing proyektong pangkaunlaran sa Region IX.
PBBM, TINALAKAY ANG MGA INISYATIBA SA PAGPAPAUNLAD NG REGION IX

Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga miyembro ng Regional Development Council IX (RDC IX) upang higit pang patatagin ang ugnayan at koordinasyon sa pagitan ng pambansang pamahalaan, RDC, at mga lokal na punong ehekutibo sa Zamboanga Peninsula.

Idinaos ang pulong sa Headquarters ng 1st Infantry Division sa bayan ng Labangan, kung saan tinalakay ang mga pangunahing prayoridad sa pagpapaunlad ng rehiyon at ang progreso ng mahahalagang proyekto na ipinatutupad sa iba’t ibang lalawigan ng Region IX.

Nagbigay ng ulat ang mga kinatawan ng iba’t ibang pambansang ahensya hinggil sa mga natapos nang proyektong pang-imprastruktura, mga kasalukuyang malalaking pamumuhunan, at iba pang kritikal na inisyatiba na naglalayong mapabuti ang konektibidad, sistema ng transportasyon at kalakalan, gayundin ang pangkalahatang paglago ng ekonomiya sa rehiyon.

Samantala, inilahad din ng mga lokal na lider ang kanilang mga prayoridad at pangunahing isyu na kinahaharap ng kani-kanilang nasasakupan. Bunga nito, nagbigay ang Pangulo ng mga tiyak na direktiba at pangako ng suporta upang matiyak ang mas mabilis at epektibong pagpapatupad ng mga programa at proyekto.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang mahalagang papel ng RDC sa pagsusulong ng sosyo-ekonomikong pag-unlad at tiniyak ang patuloy na pakikipag-ugnayan ng pambansang pamahalaan upang makamit ang konkretong resulta para sa mga mamamayan ng Zamboanga Peninsula.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang RDC IX sa pagbisita ng Pangulo at muling pinagtibay ang kanilang pangako na isulong ang inklusibo at makabuluhang kaunlaran sa buong rehiyon.

Philippine People's Press | In Truth We Prevail