Isa Patay Matapos Mahiwa ang Katawan sa Aksidente

Isang lalaki ang Patay at isa ang sugatan matapos bumangga ang isang Mitsubishi Strada at motorsiklo sa Purok Malipayon, Barangay Dao, Pagadian City noong Pebrero 15.
Isa Patay Matapos Mahiwa ang Katawan sa Aksidente

Patay ang isang lalaki habang isa pa ang nasugatan matapos ang banggaan ng isang pickup truck at motorsiklo bandang alas-9:40 ng gabi noong Pebrero 15, 2026 sa Purok Malipayon, Barangay Dao, lungsod na ito.

Ayon sa ulat ng Pagadian City Police Station (CPS), nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen kaugnay ng insidente at agad rumesponde ang mga awtoridad sa pinangyarihan ng aksidente.

Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na isang itim na Mitsubishi Strada na minamaneho ng isang 24-anyos na lalaki na residente ng Dumalinao, Zamboanga del Sur, kasama ang dalawa nitong 22-anyos na lalaking pasahero, ang bumabagtas mula sa Rotonda patungo sa direksyon ng Integrated Bus Terminal sa Bulatoc.

Samantala, isang 30-anyos na lalaking residente ng Pagadian City ang nagmamaneho ng kulay abong Honda Click na motorsiklo sa kabilang direksyon, sakay ang isang lalaking angkas na residente ng Lapuyan, Zamboanga del Sur.

Batay sa imbestigasyon, tinangka umanong mag-overtake ng driver ng pickup truck sa isa pang sasakyan nang maganap ang banggaan sa kasalubong na motorsiklo. Nasagi at nakaladkad ng kaliwang bahagi ng unahang bumper ng pickup ang motorsiklo, na nagdulot ng malubhang pinsala sa angkas.

Agad na isinugod sa magkahiwalay na ospital ang driver ng motorsiklo at ang kanyang angkas para sa agarang lunas. Gayunman, idineklarang dead on arrival ang angkas sa Zamboanga del Sur Medical Center. Ang driver naman ng motorsiklo ay dinala sa Aisah Hospital at kasalukuyang nagpapagamot.

Hindi naman nasaktan ang driver at mga pasahero ng Mitsubishi Strada. Dinala ang parehong sasakyan sa Pagadian CPS para sa kaukulang disposisyon, habang nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng pickup truck para sa karampatang imbestigasyon at pagsasampa ng posibleng kaso.

Ayon sa Police District ng Zamboanga del Sur Provincial Police Office (PD ZSPPO), patuloy ang kanilang masusing imbestigasyon sa insidente.